sa mga oras na ito, hindi ko kakampi ang oras.....
noong 90's parang di ko napapansin ang oras. ang napapansin ko lang, yung suot ni cosaidon na orange na leather jacket at pantalon, saka yung pambukas ng lata ni magma man. gusto ko din yung pagsasanib nung isang lalaki at isang babae para maging si ultraman ace kasi magbabackflip pa dapat talaga sila eh pwede namang pagdikitin nalang nila yung daliri nila o kaya mag apir nalang sila.. tapos pag namumula na yung ilaw sa dibdib nya, ibig sabihin mahina na siya, pero mananalo pa din siya sa huli. masaya akong nakikitang nagmemeditate ang mask man habang suot lang nila ang kanilang pamloob. doon ako namulat na may boobs pala ang babae. masayang maalala ang mga oras kung saan naglalaro ka lang sa damuhan at nakikipag away sa mga kalaro mo dahil sa isang pirasong pog at text na kinokolekta mo sa isang kahon ng sapatos. masaya ang mga oras noon. ang oras na sana'y kinasasadlakan ko pa din ngayon...
sa mga oras na ito, hindi ko kakampi ang oras...
highschool ako noong nagkaroon ako ng first girlfriend, si carla. tahimik lang siya at mabait, kamukha niya ang favorite sexy star ko na si belinda bright! masaya ako pag kasama ko siya. halos duguan naman akong umuuwi kapag sinusumpong siya at may pinagseselosan. masaya pa din, dahil may bago na akong pustiso. masarap mag-aral pag may inspirasyon ka. parang araw-araw ay cloud nine! ang mga oras na kasama ko siya, ay ang unang beses na naramdaman kong marunong pala akong magmahal.
sa mga oras na ito, hindi ko kakampi ang oras...
araw nang linggo. ala-sais ng hapon... ito ang pinakamagulong oras ng buhay ko... habang tumatanda ka, nagiging kumplikado ka talaga bilang isang tao. ang mga bagay na hindi ko pinoproblema noong nagdudungis pa ako sa putikan, pinoproblema ko ngayong nakakurbata na ako't kumikita. wala na akong oras sa sarili ko. kapag nakahanap ng oras, beer ang kaharap kasama ang mga kaibigan. hanggang ganito nalang ba ang magagawa ko para sa sarili ko?
sa mga oras na ito, hindi ko kakampi ang oras...
tarantado yung nambastos na yun kay grace ah! hindi ko na napigilan, binato ko agad ng bote sa mukha. kasama si arthur at mac, pinagtulungan namin yung walang hiya. mabilis ang mga pangyayari, ang huling imaheng nairehistro ng mga mata kong nagdidilim ay ang 5 mukha na nakatungo sa akin...
sa mga oras na ito, hindi ko kakampi ang oras... "any minute", magiging isang tuwid na guhit ang berdeng ilaw na nasa tabi ng aking kinalalagyan... di ko ito gusto, pero, mukhang ito na ang oras ko...
Food for the Soul
Ang Mga Alaala sa Loob ng Isang Oras
Friday, September 12, 2008
Posted by nevil loves derby at 9:17 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment